CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Martes, Hulyo 29, 2008

Bontoc : ang buhay sa kabundukan




Sa mga bulubundukin ng Pilipinas ay matatagpuan ang ibat-ibang pangkat-etniko na hanggang ngayon ay nananatili parin sa kabila ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya. Isa sa mga pangkat na ito ang mga Igorot na nahahati sa anim na pangkat : ang mga Bontoc, Ibaloi, Ifugao, Isneg (or Apayao), Kalinga, at ang mga Kankana-ey. Sila ay matatagpuan sa mga kabundukan na Cordillera sa hilagang bahagi ng Pilipinas.

Ang Bontoc ay galing sa salitang “bun” at “tuk” na nangangahulugang kabundukan. Sila ay nakilala noong unang panahon dahil sa kanilang nakagisnang gawain na pagmumugot ng ulo ng mga taong kanilang napatay. Nakilala rin sila sa kanilang kakaibang palamuti sa katawan na tinatawag na “tattoo”. Tatlong uri ng “tattoo” ang kanilang ginagamit: ang chak-lag', na inilalagay sa dibdib ng taong nakapugot ng ulo; ang pong'-o, na karaniwang inilalagay sa braso ng mga kababaihan; at ang fa'-tek, tawag sa iba pang klase ng “tattoo” sa katawan.

Tradisyunal para sa mga kalalakihan at kababaihan na walang pantaas na kasuotan. Ngunit, noong naunang panahon, ang mag kababaihan ay nasusuot ng maiikling blusa na sila mismo ang gumagawa. Wanes ang tawag sa kasuotan ng mga lalaki, ngunit para sa may mataas na katungkulan sa lipunan ay lagteb ang kanilang ginagamit, na nilalagayn ng mas mahusay na disenyo. Sa ulo naman ay inilalagay ang suklung o suklang.

Ang isinusuot ng mga kababaihan ay tinatawag na lufid na maikli at abot tuhod lamang. Khinawaan, na may puting kulay, ang ginagamit ng mga mayayaman at kinayan naman para sa mga mahihirap na ginagamitan ng pula at puting kulay. Karaniwan narin sa pangkat na ito ang paghahabi ng tela at ang kulay na asul ang kadalasang ginagamit. Ang mga disenyo ay ukol sa mga taong sumasayaw at nagtatanim, mga bituin, dahon at palay. Ngayon, ang mag Bontoc ay nagsusuot na ng mga makabagong damit katulad ng T-shirt at sapatos na magagamit sa pang-araw-araw.

Sa murang edad ay ipinadadala ang mga kabataang lalaki sa isang ato (tinatawag nating dormitoryo sa makabagong panahon) at sa isang ulog naman para sa kababaihan. Ang basket, na gawa sa rattan o kawayan ay isang mahalagang kagamitan sa pangangalakal at sa pananampalataya. Halimbawa nito ang pagitaken, na binubuo ng tatlong maliliit na basket na sinasabit sa mga puno. Sa isang ritwal nang pagpapasalamat, na tinatawag na pinikpikan, ang mga manok ay kanilang pinapatay, ginagawang alay sa kanilang mga anito at kanilang inilalagay sa mga basket na ito.

Mayroon ring kakaibang sining ang mga Bontoc. Halimbawa nito ay ang pag-uukit sa kahoy na ang disenyo ay ulo na kumakatawan sa mga kalabang kanilang napatay at inilalagay o sinasabit sa sanga ng ilang puno. Ang disenyo naman ng kanilang mga kagamitan ay katulad ng disenyo ng kanilang kasuotan.

Sa panitikan, ang wika ng mga Bontoc ay ginagamit lamang sa pakikipag-usap sa kanilang kapwa-tao at sa kanilang mga anito. Gumagawa sila ng mga tula, alamat, bugtong at mga awitin bilang isang paraan ng pakikipagtalastasan at pagpapahiwatig ng kanilang mga nararamdaman.

Sa larangan naman ng musika, sila ay gumagamit ng gangsa pattung, na binubuo ng limang gong. Maaari itong tugtugin sa ibat-ibang paraan na naaayon sa selebrasyon at uri ng sayaw. Mayroon silang ibat-ibang musika para sa ibang-ibang pang-araw-araw na gawain. Ang balangbang, isang salitang nanggaling sa tunog ng gangsa, ay isang sayaw na ginagawa ng mga matatanda pagkatapos makapag-uwi ng ulo ng isang kalaban sa isang madugong labanan.

Ang tradisyunal na pananatili ng mga kalalakihan at kababaihan sa mga dormitoryo at ang kanilang pagkain kasabay ng kanilang mga pamilya ay unti-unting nagbago nang lumaganap ang Kristiyanismo. Ngunit sa kabuuhan, masasabi nating ang lahat ng mga Bontoc ay mulat sa kanilang uri ng pamumuhay at walang pagnanais na mabago ang mga ito.


ΩΩΩ βǻŷƧâγ ΩΩΩ

1 (mga) komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Nakakagilas ang inyong pagpapahalaga sa paggamit ng wikang Filipino para sa blog na ito. Kaya siguro marapat din na sa Filipino ko ibigay ang aking opinyon. Mahusay ang konsepto ng inyong blog. Binabati ko ang mga miyembro ng grupo sapagkat ang inyong pagsisikap ay nagbunga ng kahanga-hangang pahina dito sa blogspot. Nakita ko ang pagnanais ninyong ibahagi ang kagandahan ng kultura ng mga Bontoc na sa kasalukyan ay halos hindi na binibigyang pansin kung ihahambing sa mga Ifugao. Nakita ko rin ang inyong isinulat tungkol kay Allan Pineda. Ang nais ko sanang ibahagi ninyo ay tungkol rin sa isang Bontoc na naging matagumpay sa isang simpleng larangan. Subalit, naiintindihan ko ang kahirapan sa pagkuha ng impormasyon tungkol rito. Ipagpatuloy ninyo ang inyong magandang pagsulat.

Maari kayong magbigay ng reaksiyon sa aking puna at karampatang pagbabago sa inyong pahina dito s ablogspot.

Para sa "entry" na ito, ang inyong grado ay 1.0 o 20/20.