Pagkatapos namin sa “Japanese Shrine” ay dali- dali na naming pinuntahan ang taong itinuro sa amin. Siya ay si Ginoong Donald Espelita, isang retired army. Ang lolo niya daw ay nakasama pa sa WWII kaya’t may mga naitago pa siyang mga kagamitan noon.
Malugod kaming pinapasok ng kanyang maybahay at pinaupo. Ilang saglit lang ay nakausap na namin ang taong tinutukoy ng mga taga roon. Sabi ni G. Espelita dalawa silang mga Espelita na pwedeng makapagkwento at makapagpakita ng aming mga hinanap. Sa pagbungad palang ng kanilang hagdan ay nakita na namin ang mga kagamitan ng mga sundalo- mga lumang helmet ng sundalong Amerikano at Hapon, lalagyan ng tubig, lampara, “bell”, at maraming pang iba. Nakita din naming ang isang “plate number” na nakapaskin sa dingding na nagpapatunay daw na ang Palo (Palo Alto) ay naging “Sister City” ng Los Angeles, California. Sa ikalawang palapag na ng kanilang bahay ay mayroong isang aparador na naglalaman ng mga kagamitang kaniya pang naitago upang maibahagi sa darating pang mga henerasyon. Ilan sa mga kagamitang naipakita niya ay ang bandila ng Amerika na dala ni General Douglas MacArthur ng natupad niya ang kaniyang pangako sa Pilipinas at dumaong siya noong ika- 20 ng Oktubre 1994. May naipakita din siyang “Kamizakee Belt” na sinasabing isang bagay daw na masyadong pinapahalagahan ng isang Samurai dahil mayroong isang libong burda na parang malalaking tuldok na bawat isa nun ay gawa ng isang birheng Haponesa. Mayroon ding mga “signal flags” at dalawang “bentusa”. May ipinakita din siyang isang “barometer” na noon pa yatang panahon ng mga Espanyol ginamit dahil sa mga Espanyol na panulat nito at hanggang ngayon ay gumagana pa rin kaya’t alam ng pamilyang ito kung may paparating na bagyo. Meron din siyang naitagong “autograph book” ng kanyang lolo na may pirma pa ni Gen. MacArthur at ng kanyang asawa.
Ilan lamang ito sa mga nakita namin. Sa ilang oras naming pakikipag-usap kay G. Espelita masyado kaming namangha at natuwa sa kasaysayan natin. Sa paraang iyon ay mas lalo naming hinangaan ang kasaysayan ng bansa. Ngunit may mga tanong na naglalaro sa isipan ko. Paano kung lahat ng iyon ay peke??? Sana nama’y hindi. At sana dumating din ang panahon na ang mga taong kagaya ni G. Espelita ay maparangalan at mabigyan ng puwang sa libro ng ating bansa dahil sa kanilang pagsisikap na maibahagi pa ang yaman ng ating kasaysayan sa susunod pang mga henerasyon.
♥♥♥αŕǻm♥♥♥
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento