Nagugulumihanan ako nang hapong iyon nang kami ay tanungin ng aming guro ng ganito, “Magagawa ba ninyong ipagpalit ang kinagisnan niyong buhay ngayon para maranasan ang klase ng buhay noong mga panahon ng mga kastila?”. Maraming bagay ang sumagi sa aking isipan.
Ang una kong sinagot ay “OO”. Kung mabibigyan man ako ng pagkakataong maranasan ang buhay noon, bakit hindi di’ba? Maaaring matuto pa ako ng mas maraming Espanyol na salita,hindi lang puro uno,dos,tres. Makapagsusuot pa ako ng mga magagarang kasuotan na hindi lang basta-basta katulad ng isang telang pinunit-punit para gawing “shorts”. Makakasakay rin ako sa mga de-kabayong kalesa na hindi nababahala sa maiitim na usok na ibinubuga ng mga dyip ngayon at ikinatatakot ng mga nagdadalaga at nagbibinata dahil sa tutubuan raw sila ng tagihawat dahil sa alikabok. Kung “time-machine” man ang gagamitin ay magdadala pa ako ng camera para manguha ng litrato kasama ang mga gwardiya sibil para maging “souvenir”.
Sa unang malas ay kataka-takang may taong nais pang bumalik sa nakaraan lalo na sa panahon ng mga Espanyol. Katakut-takot na mga kaganapan ang pumapasok sa aking isipan . Ngunit kung ang mga taga-unang panahon ang tatanungin, batid kong mas gugustuhin nilang manatili sa kanilang panahon at makipaglaban para sa kalayaan dahil kahit papaano, sila ay naging mga buhanging naging sangkap sa pagbuo ng bayan at hindi naging puwing na nakapinsala sa tanan. Ang mga puwing na ito ay ang mga taong hindi na nga nakatutulong sa bayan ay nagagawa pang magsamantala sa kanilang katungkulan; mga Pilipinong nakikipagsabwatan sa mga dayuhan para sa ikapaririwara ng sambayanan; at mga Pilipinong may isipang-alipin tungkol sa sariling kalinangan, sa sariling wika, sa pagka-Pilipino.
Ngunit napakahirap ng buhay noong unang panahon. Kailangan pa nilang makipaglaban para sa kalayaan, para sa kagustuhan nilang mabuhay. Takot ang nadarama ng bawat tao noon, na maaaring sa gitna ng gabi ay putulin ng dilim ang kanilang mga hininga, takot dahil sa ang ilang miyembro ng kanilang pamilya ay naroon at nakikibaka. Ang bayan ay uhaw sa kalayaan at sa isang pamahalaang may mabuting adhikain para sa bayan. Kung ang lahat ng ito lang ang aking makikita ay hindi ko na gugustuhin pang bumalik sa nakaraan. Ang kalayaang aking tinatamasa ngayon (kung matatawag ba itong tunay na kalayaan), ay sapat nang dahilan para ako ay manatili. Tingin ko ay masyadong mahina at matatakutin ang mga tao ngayon na hindi makakaya maski isang gabing pananatili kasama ang sinaunang Pilipino.
Hindi. Hindi ko nanaising bumalik pa sa panahong iyon.
- “Baysay”
Linggo, Agosto 17, 2008
Oo o Hindi?
Ipinaskil ni hingyap sa 4:15 AM
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
2 (mga) komento:
Hindi man tayo makabalik sa panahon upang magsabi ng "salamat" para sa mga taong nag-alay ng kanilang buhay para magkaroon tayo ng malayang bansa, huwag nating kalilimutan ang kanilang pag-aalay at higit sa lahat ang kanilang pinapangarap na tayong mga nasa kasalukuyan ay mag-alay ng karampatang sakripisyo para rin sa ating bansa, kung hindi para sa ngayon kundi sa pagtanaw ng utang na loob sa mga bayani ng ating lahi.
Tama.
Mag-post ng isang Komento